6. Ang Sermon sa Bundok
1) Ang Mga Kapahayagan (Mat 5:3-12)
2) Asin at ang Ilaw (Mat 5:13-16)
3) Kautusan (Mat 5:17-20)
4) Galit (Mat 5:21-26)
5) Pangangalunya (Mat 5:27-30)
6) Diborsiyo (Mat 5:31-32)
7) Mga Pangako (Mat 5:33-37)
8) Mata sa Mata (Mat 5:38-42)
9) Mahalin Mo ang Iyong mga Kaaway (Mat 5:43-48)
10) Ang Tagubilin Tungkol sa Pag-aabuloy (Mat 6:1-4)
11) Panalangin (Mat 6:5-8)
7. Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus
1) Ang Talinghaga Ukol sa Manghahasik (Mat 13:1-9)
2) Ang Talinghaga Ukol sa mga Panirang Damo (Mat 13:24-30)
3) Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa (Mat 13:31-32)
4) Ang Talinghaga Ukol sa Lebadura (Mat 13:33)
5) Ang Talinghaga Ukol sa Mga Panirang Damo Ipinaliwanag (Mat 13:36-43)
6) Ang Talinghaga Ukol sa Kayamanan (Mat 13:44)
7) Ang Talinghaga Ukol sa Perlas (Mat 13:45-46)
8) Ang Talinghaga Ukol sa Lambat (Mat 13:47-50)
8. Ang mga Utos
(Mateo 22:37-39) At sinabi sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. Ito ang dakila at pangunang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
Tingnan muna natin ang bawat bahagi ng “Ang Sermon sa Bundok.” Ano ang kaugnayan ng lahat ng ito? Maaaring masabi nang may katiyakan na ang lahat ng mga ito ay mas mataas, mas kongkreto, at mas malapit sa mga buhay ng mga tao kaysa sa mga alituntunin sa Kapanahunan ng Kautusan. Kung sasabihin sa makabagong mga pananalita, ito ay mas mahalaga kaysa sa mismong pagsasagawa ng mga tao.
Basahin natin ang tiyak na nilalaman ng mga sumusunod: Paano mo dapat unawain ang mga banal na kapalaran? Ano ang dapat mong malaman tungkol sa kautusan? Paano dapat bigyan ng kahulugan ang galit? Paano dapat makitungo sa mga mapakiapid? Ano ang binabanggit, anong uri ng mga patakaran mayroon tungkol sa diborsiyo, at sino ang makakukuha ng diborsiyo at sino ang hindi makakukuha ng diborsiyo? Paano naman ang mga pangako, mata sa mata, ibigin mo ang iyong mga kaaway, ang tagubilin ukol sa pag-aabuloy, atbp.? Ang lahat ng mga bagay na ito ay may kinalaman sa bawat aspeto ng kaugalian sa pananampalataya sa Diyos ng mga tao, at ng kanilang pagsunod sa Diyos. Ang ilan sa mga pagsasagawang ito ay naaangkop pa rin sa araw na ito, ngunit ang mga ito ay mas sinauna kaysa sa kasalukuyang mga kinakailangan sa mga tao. Ang mga ito ay maituturing na panimulang mga katotohanan na nasasagupa ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Mula sa panahon na nagsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, nagsimula na Siyang gumawa sa disposisyon sa buhay ng mga tao, ngunit ito ay batay sa saligan ng mga kautusan. Ang mga patakaran at mga kasabihan sa mga paksang ito ay may kinalaman ba sa katotohanan? Mangyari pa mayroon! Ang lahat ng naunang mga alituntunin, mga panuntunan, at ang sermon sa Kapanahunan ng Biyaya ay may kinalamang lahat sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at mangyari pa sa katotohanan. Maging anuman ang ipahayag ng Diyos, sa alinmang paraan Niya ito ipahayag, o gamit ang anumang uri ng wika, ang saligan nito, ang pinagmulan nito, at ang pasimula nito ay nakabatay lahat sa mga panuntunan ng Kanyang disposisyon at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ito ay walang kamalian. Kaya kahit na ngayong ang mga bagay na ito na Kanyang sinabi ay parang medyo mababaw, hindi mo pa rin masasabi na hindi sila ang katotohanan, sapagkat sila ay mga bagay na kailangan para sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya nang upang malugod ang kalooban ng Diyos at upang makamit ang isang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Maaari mo bang sabihin na ang alinman sa mga bagay na ito sa sermon ay hindi nakaugnay sa katotohanan? Hindi mo maaaring sabihin! Ang bawat isa sa mga ito ay ang katotohanan sapagkat ang lahat ng mga ito ay mga kinakailangan ng Diyos para sa sangkatauhan; silang lahat ay mga panuntunan at isang saklaw na ibinigay ng Diyos para kung paano umasal ang sarili, at kinakatawan nila ang disposisyon ng Diyos. Gayunman, batay sa antas ng kanilang paglago sa buhay sa panahong iyon, nagawa lamang nila na tanggapin at maunawaan ang mga bagay na ito. Sapagkat ang kasalanan ng sangkatauhan ay hindi pa nalulunasan, maaari lamang ibigay ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito, at maaari lamang Niyang gamitin ang gayong kasimpleng mga aral sa gitna ng ganitong saklaw upang sabihin sa mga tao sa panahong iyon kung paano sila dapat kumilos, ano ang dapat nilang gawin, sa gitna ng aling mga panuntunan at saklaw nila dapat gawin ang mga bagay, at kung paano sila dapat maniwala sa Diyos at matugunan ang Kanyang mga kahilingan. Ang lahat ng ito ay napagpapasyahan batay sa tayog ng sangkatauhan sa panahong iyon. Ito ay hindi madali para sa mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na tanggapin ang mga aral na ito, kaya kung ano ang itinuro ng Panginoong Jesus ay kailangang manatili sa gitna ng saklaw na ito.
Susunod, titingnan natin kung ano ang nasa “Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus.”
Ang una ay ang talinghaga ukol sa manghahasik. Ito ay isang kawili-wiling talinghaga; ang paghahasik ng mga binhi ay isang karaniwang pangyayari sa buhay ng mga tao. Ang ikalawa ay ang talinghaga ukol sa mga panirang damo. Kung ang pag-uusapan natin ay ukol sa kung ano ang mga panirang damo, ang sinuman na nakapaghasik ng mga pananim at ang mga matatanda ay makaaalam. Ang ikatlo ay ang talinghaga ukol sa buto ng mustasa. Alam ninyong lahat kung ano ang mustasa, tama? Kung hindi ninyo alam, maaari ninyong tingnan sa pamamagitan ng Biblia. Para sa ikaapat, ang talinghaga ukol sa lebadura, nalalaman ng karamihan sa mga tao na ang lebadura ay ginagamit sa pagbuburo; ito ay isang bagay na ginagamit ng mga tao sa kanilang mga pang-araw-araw na buhay. Ang lahat ng mga talinghaga sa ibaba, kasama na ang ikaanim, ang talinghaga ukol sa kayamanan, ang ikapito, ang talinghaga ukol sa perlas, at ang ikawalo, ang talinghga ukol sa lambat, ay iginuhit lahat mula sa mga buhay ng mga tao; silang lahat ay mula sa tunay na buhay ng mga tao. Anong uri ng larawan ang ipinipinta ng mga talinghagang ito? Ito ay isang larawan ng Diyos na naging isang normal na tao at namumuhay kasama ng sangkatauhan, gamit ang wika ng isang normal na buhay, gamit ang wika ng tao upang makipag-usap sa mga tao at upang ipagkaloob sa kanila kung ano ang kanilang kailangan. Nang maging tao ang Diyos at nabuhay sa gitna ng sangkatauhan sa mahabang panahon, pagkatapos na maranasan at masaksihan ang iba’t-ibang mga paraan ng pamumuhay ng mga tao, ang mga karanasang ito ay naging Kanyang batayang aklat sa pagbabagong-anyo ng Kanyang wika na may pagka-Diyos sa wika ng tao. Mangyari pasiyempre, ang mga bagay na ito na Kanyang nakita at narinig sa buhay ay nagpayaman din sa karanasang pantao ng Anak ng tao. Kapag gusto Niyang maunawaan ng mga tao ang ilang mga katotohanan, ipaunawa sa kanila ang ilan sa mga kalooban ng Diyos, maaari Niyang gamitin ang mga talinghaga kagaya ng mga nasa itaas upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga kinakailangan sa mga tao. Ang mga talinghagang ito ay may kaugnayang lahat sa buhay ng mga tao; walang isa man ang malayo sa mga buhay ng tao. Nang ang Panginoong Jesus ay namuhay kasama ng sangkatauhan, nakita Niya ang mga magsasaka na inaasikaso ang kanilang mga bukirin, alam Niya kung ano ang mga panirang damo at kung ano ang lebadura; naiintindihan Niya na gusto ng mga tao ang kayamanan, kaya ginamit Niya pareho ang mga talinghaga ukol sa kayamanan at ukol sa perlas; Malimit Niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng kanilang mga lambat; at iba pa. Nakita ng Panginoong Jesus ang mga aktibidad na ito sa mga buhay ng sangkatauhan, at naranasan din Niya ang gayong uri ng buhay. Siya ay kagaya ng bawat iba pang normal na tao, naranasan ang pagkain ng tatlong beses isang araw ng tao at mga pang-araw-araw na gawain. Personal Niyang naranasan ang buhay ng isang karaniwang tao, at nasaksihan Niya ang mga buhay ng iba. Nang masaksihan Niya at personal na maranasan ang lahat ng ito, ang inisip Niya ay hindi kung paano magkaroon ng isang magandang buhay o kung paano siya makapamumuhay nang mas malaya, mas may kaginhawaan. Nang maranasan Niya ang tunay na buhay ng tao, nakita ng Panginoong Jesus ang paghihirap sa buhay ng mga tao, nakita Niya ang paghihirap, ang kaabahan, at ang kalungkutan ng mga tao sa ilalim ng katiwalian ni Satanas, nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at nabubuhay sa kasalanan. Habang personal Niyang nararanasan ang buhay ng tao, naranasan din Niya kung gaano kahina ang mga tao na nabubuhay sa kalagitnaan ng katiwalian, at nakita Niya at naranasan ang kahapisan nilang nabubuhay sa kasalanan, na nangaligaw sa pagpapahirap ni Satanas, nang masama. Nang makita ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, nakita ba Niya sila gamit ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang pagkatao? Ang Kanyang pagkatao ay talagang umiral—ito ay buhay na buhay—maaari Niyang maranasan at makita ang lahat ng ito, at mangyari pa nakita rin Niya sa Kanyang diwa at sa Kanyang pagka-Diyos. Iyon ay, si Kristo Mismo, nakita ito ng Panginoong Jesus ang tao, at ang lahat ng Kanyang nakita ang nakapagpadama sa Kanya sa kahalagahan at pangangailangan sa gawain na Kanyang tinanggap sa pagkakataong ito sa katawang-tao. Bagamat nalalaman Niya sa Sarili Niya na ang pananagutan na kailangan Niyang tanggapin sa katawang-tao ay napakalawak, at gaano kalupit ang pagdurusa na Kanyang haharapin, nang Kanyang makita na ang sangkatauhan ay mahina sa kasalanan, nang Kanyang makita ang pagiging aba ng kanilang mga buhay at ang kanilang mahinang pagpupunyagi sa ilalim ng kautusan, nakadama Siya ng ibayong kadalamhatian, at lalo siyang naging sabik na sabik na mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Hindi alintana anumang uri ng hirap ang Kanyang haharapin o kung anumang uri ng hapis ang Kanyang daranasin, Lalo Siyang naging determinado na tubusin ang sangkatauhang nabubuhay sa kasalanan. Sa panahon ng prosesong ito, maaari mong masabi na nagsimulang maintindihan ng Panginoong Jesus nang lalong mas malinaw ang gawain na kinailangan Niyang gawin at kung ano ang ipinagkatiwala sa Kanya. Lalo ding nadagdagan ang Kanyang kasabikan na makumpleto ang gawain na Kanyang tinanggap—upang akuin ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, upang ibayad-sala sa sangkatauhan upang hindi na sila mabuhay sa ilalim ng pagkakasala at malimutan ng Diyos ang kasalanan ng tao dahil sa handog ukol sa kasalanan, nagpahintulot sa Kanya upang ipagpatuloy ang Kanyang gawain sa pagliligtas sa sangkatauhan. Maaaring masabi na sa puso ng Panginoong Jesus, nakahanda Siyang ialay ang Sarili Niya para sa sangkatauhan, upang isakripisyo ang Sarili Niya. Nakahanda din Siyang umakto bilang handog para sa kasalanan, magpapako sa krus, at sabik Siyang makumpleto ang gawaing ito. Nang makita Niya ang miserableng kalagayan ng buhay ng mga tao, mas lalo Niyang ginusto na matupad ang Kanyang misyon kaagad-agad, nang walang pagkaantala kahit isang sandali o saglit. Nang magkaroon Siya ng gayong pakiramdam ng pagmamadali, hindi Niya inisip kung gaano kalaki ang Kanyang magiging pasakit, at hindi Niya inisip pa kung gaano kadaming kahihiyan ang kailangan Niyang tiisin—mayroon lamang siyang pinanghahawakang isang paninindigan sa Kanyang puso: Hangga’t inialay Niya ang Kanyang Sarili, hangga’t Siya ay ipinako sa krus bilang isang handog sa pagkakasala, ang kalooban ng Diyos ay maisasakatuparan at magagawa Niyang makapagpasimula ng panibagong gawain. Ang mga buhay ng sangkatauhan sa kasalanan, ang kanilang kalagayan sa pag-iral sa kasalanan ay lubos na mababago. Ang Kanyang paninindigan at kung ano ang pinagpasyahan Niyang gawin ay may kaugnayan sa pagliligtas sa tao, at mayroon lamang Siyang isang layunin: upang ipatupad ang kalooban ng Diyos, nang upang magawa Niyang matagumpay na maumpisahan ang susunod na yugto sa Kanyang gawain. Ito ang kung ano ang nasa isip ng Panginoong Jesus sa panahong iyon.
Sa pagkabuhay sa laman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng normal na pagkatao; Taglay Niya ang mga damdamin ng isang normal na tao at ang pangangatwiran ng isang normal na tao. Alam Niya kung ano ang kaligayahan, kung ano ang pagdurusa, at nang makita Niya ang sangkatauhan sa ganitong uri ng buhay, lubos Niyang nadama na ang pagbibigay lamang sa mga tao ng ilang mga aral, ang pagkakaloob lamang sa kanila ng isang bagay o ang pagtuturo sa kanila ng isang bagay ay hindi makapaglalabas sa kanila mula sa kasalanan. Ni ang ipatupad lamang sa kanila ang mga utos ay makatutubos sa kanila mula sa kasalanan—nang akuin lamang Niya ang kasalanan ng sangkatauhan at naging kagaya ng makasalanang laman nagawa Niyang ipagpalit ito para sa kalayaan ng sangkatauhan, at ipagpalit ito para sa kapatawaran ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya pagkatapos maranasan at masaksihan ng Panginoong Jesus ang buhay ng mga tao sa kasalanan, naroroon ang matinding pagnanais na nahayag sa Kanyang puso—upang tulutan ang mga tao na alisin ang kanilang mga sarili sa pakikipagbuno sa kasalanan. Ang pagnanais na ito ang lalong nagpadama sa Kanya na dapat Siyang mapunta sa krus at akuin ang kasalanan ng tao sa lalong madaling panahon, kaagad-agad. Ito ang mga saloobin ng Panginoong Jesus sa panahong iyon, pagkatapos Niyang mamuhay kasama ng mga tao at nakita, narinig, at naramdaman ang paghihirap ng buhay ng mga tao sa kasalanan. Na ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring magtaglay ng ganitong uri ng kalooban para sa sangkatauhan, na magagawa Niyang ipahayag at ibunyag ang ganitong uri ng disposisyon—ito ba ay isang bagay na maaaring taglayin ng isang karaniwang tao? Ano ang iisipin ng isang karaniwang tao sa pamumuhay sa ganitong uri ng kapaligiran? Ano ang kanilang iisipin? Kung ang lahat ng mga ito ay haharapin ng isang karaniwang tao, titingnan ba nila ang mga suliranin mula sa isang mataas na pananaw? Siguradong hindi! Bagamat ang kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kagaya nang sa tao, natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita sa wika ng tao, at minsan ay ipinapahayag pa Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng mga pamamaraan at pagpapahayag ng sangkatauhan, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao, ang diwa ng mga bagay, at kung paaano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay ay lubos na hindi magkapareho. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na hindi matatamo para sa isang tiwaling tao. Ito ay dahil sa ang Diyos ay katotohanan, ang katawang-tao na Kanyang isinusuot ay nagtataglay din ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga saloobin at yaong inihahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din naman. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga panustos ng katotohanan, at ng buhay. Ang mga panustos na ito ay hindi lamang para sa isang tao, kundi para sa buong sangkatauhan. Para sa sinumang tiwaling tao, sa kanyang puso ay mayroon lamang mangilan-ngilang mga tao ang nakakasama niya. Mayroon lamang iilang mga tao ang pinahahalagahan niya, na ipinagmamalasakit niya. Kapag ang sakuna ay tanaw na una niyang iniisip ang sarili niyang mga anak, asawa, o mga magulang, at ang isang lalong mapagkawang-gawang tao ay iisipin lamang ang ilan sa mga kamag-anak o isang mabuting kaibigan; mag-iisip pa ba siya ng iba? Hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao ay, kung tutuusin, mga tao, at makatitingin lamang sila sa lahat ng bagay mula sa pananaw at mula sa tangkad ng isang tao. Gayunman, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubos na naiiba mula sa isang taong tiwali. Kahit gaano man siya ka-ordinaryo, gaano ka-normal, gaano man kababa ang uri ng laman ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit pa gaano kababa ang tingin sa Kanya ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi matatamo ng sinumang tao, at walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang babantayan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng isang banal, mula sa taas ng Kanyang katayuan bilang Maylalang. Palagi Niyang titingnan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya maaaring tingnan ang tao mula sa taas ng isang karaniwang tao, at mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, tumitingin sila gamit ang pananaw ng tao, at sila ay gumagamit ng mga bagay gaya ng kaalaman ng tao at mga patakaran ng tao at mga teorya bilang isang panukat. Ito ay sa loob ng saklaw ng kung ano ang nakikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata; ito ay sa loob ng saklaw na maaaring matamo ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang isang banal na pananaw, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang isang panukat. Nakabibilang sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at ito ay kung saan ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali ay ganap na magkaiba. Ang pagkakaiba na ito ay pinagpapasyahan ng iba’t-ibang mga diwa ng tao at ng Diyos, at itong iba’t-ibang mga diwa na ito ang nagpapasya ng kanilang mga pagkakakilanlan at mga kalagayan gayundin ang pananaw at taas kung paano nila nakikita ang mga bagay. Nakikita ba ninyo ang pagpapahayag at pagbunyag ng Diyos Mismo sa Panginoong Jesus? Maaari ninyong masabi na kung ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa Kanyang ministeryo at sa sariling gawaing pamamahala ng Diyos, na ang lahat ng ito ay pagpapahayag at pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Bagamat nagkaroon Siya nang pagpapakita bilang isang tao, ang kanyang banal na diwa at ang pagbubunyag ng Kanyang pagka-Diyos ay hindi maitatanggi. Ang pagpapakita ba na ito bilang tao ay talagang isang pagpapakita ng pagkatao? Ang Kanyang pagpapakita bilang tao ay, sa Kanyang tunay na diwa, ay lubos na kaiba mula sa pantaong pagpapakita ng mga taong tiwali. Ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao, at kung Siya ay talagang naging isa sa karaniwan, mga taong tiwali, magagawa ba Niyang makita ang buhay ng mga tao sa kasalanan mula sa isang banal na pananaw? Siguradong hindi! Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng tao at ng karaniwang mga tao. Ang mga taong tiwali ay nabubuhay lahat sa pagkakasala, at kapag ang sinuman ay nakakakita ng kasalanan, wala silang tiyak na damdamin ukol rito; silang lahat ay magkakatulad, gaya lamang ng isang baboy na naninirahan sa putik na ni hindi nakadadama ng pagkaasiwa, o nang pagiging marumi—kumakain ito nang mabuti, at nakatutulog nang husto. Kapag nililinis ng sinuman ang kural, ang baboy ay hindi talaga mapapalagay ang loob, at hindi ito mananatiling malinis. Hindi magtatagal, muli itong magpapagulong-gulong sa putik, lubos na palagay ang loob, sapagkat ito ay isang maruming nilalang. Kapag nakakakita ng baboy ang mga tao, dama nila na ito ay marumi, at kung lilinisin mo ito, hindi magiging maganda ang pakiramdam ng baboy—ito ang dahilan kung bakit hindi nag-aalaga ng baboy ang mga tao sa kanilang bahay. Ang paraan ng pagtingin ng mga tao sa mga baboy ay palaging kaiba mula sa kung ano ang nararamdaman ng mga baboy sa kanilang sarili, sapagkat ang mga tao at mga baboy ay hindi magkauri. At sapagkat ang nagkatawang-tao na Anak ng tao ay hindi kauri ng taong tiwali, ang Diyos na nagkatawang-tao lamang ang makatitindig mula sa isang banal na pananaw, at makatatayo mula sa taas ng Diyos upang makita ang sangkatauhan, upang makita ang lahat ng bagay.
Nang ang Diyos ay naging tao at namuhay sa gitna ng sangkatauhan, anong pagdurusa ang Kanyang naranasan sa katawang-tao? Naintindihan ba ng sinuman? Sinasabi ng ilang mga tao na ang Diyos ay nagdusa nang husto, at bagamat Siya ang Diyos Mismo, hindi naiintindihan ng mga tao ang Kanyang diwa at palagi Siyang itinuturing bilang isang tao, na nagpapadama sa Kanya na inaapi at nagkasala—sinasabi nila na ang pagdurusa ng Diyos ay talagang sobra. Ang ibang mga tao ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, ngunit Siya ay nagdusa kagaya ng mga tao at nagtiis ng pag-uusig, paninirang-puri, at mga kahihiyan kasama ng sangkatauhan; sinasabi nila na Siya din ay nagbata ng mga maling akala at ng mga pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—Ang pagdurusa ng Diyos ay talagang hindi masusukat. Tila hindi ninyo talaga naiintindihan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusa na ito na inyong sinasabi ay hindi itinuturing bilang isang tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagkat may mas malaking pagdurusa kaysa dito. Kung gayon ay ano ang totoong pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatuhan ay hindi ibinibilang na pagdurusa, at ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling akala ukol sa Diyos ay hindi ibinibilang na pagdurusa. Gayunman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay nagdanas ng malaking kawalang-katarungan, na nang panahong ang Diyos ay nasa katawang-tao hindi Niya maipakita ang Kanyang pagkatao sa sangkatauhan at tinulutan silang makita ang Kanyang kadakilaan, at ang Diyos ay buong kababaaang-loob na nagtatago sa isang walang kabuluhang laman, kaya maaaring ito ay napakahirap para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao ang kung ano ang kanilang naiintindihan at kung ano ang kanilang nakikita sa pagdurusa ng Diyos, at nagbibigay ng samut-saring simpatiya sa Diyos at madalas nag-aalay pa ng kaunting papuri para rito. Sa katotohanan, mayroong kaibahan, mayroong agwat sa pagitan ng kung ano ang pagkaintindi sa pagdurusa ng Diyos at kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, hindi alintana kung ito ang Espiritu ng Diyos o ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pagdurusa na iyon ay hindi tunay na pagdurusa. Kung ganoon ano talaga ang dinanas ng Diyos? Pag-usapan natin ang pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.
Nang ang Diyos ay naging tao, ang pagiging isang karaniwan, normal na tao, pamumuhay sa gitna ng sangkatauhan, kasama ng mga tao, hindi ba Niya nakikita at nararamdaman ang mga pamamaraan ng mga tao, mga kautusan, at mga pilosopiya para mabuhay? Ano ang naramdaman Niya sa mga pamamaraan at mga kautusan na ito? Nakaramdam ba Siya ng pagkamuhi sa Kanyang puso? Bakit Siya makadarama ng pagkamuhi? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusang ito ng mga tao para mabuhay? Sa anong mga panuntunan ba sila nag-ugat? Ano ang kanilang batayan? Ang mga pamamaraan ng mga tao, mga kautusan, atbp. para mabuhay—ang lahat ng ito ay nilikha batay sa lohika ni Satanas, kaalaman, at pilosopiya. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan, at mga laban sa Diyos. Kapag tiningnan natin ang diwa ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang diwa ay ang kabaligtaran ng lohika ni Satanas, kaalaman, at pilosopiya. Ang Kanyang diwa ay puno ng pagkamatuwid, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga katotohanan sa lahat ng mga positibong bagay. Ang Diyos, taglay ang diwang ito at namuhay sa gitna ng gayong sangkatauhan—ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno nang pagdurusa? Ang Kanyang puso ay nagdurusa, at ang pagdurusang ito ay isang bagay na walang sinuman ang makaiintindi at makatatanto. Sapagkat ang lahat ng bagay na Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay katiwalian ng lahat ng sangkatauhan, kasamaan, at ang kanilang paghihimagsik laban at pagsalangsang sa katotohanan. Ang lahat nang nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Na ang ibig sabihin, sapagkat ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng sa mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ay naging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Nang ang Diyos ay maging tao, nagagawa ba Niyang makahanap ng isang tao na may kaparehong wika sa Kanya? Hindi ito masusumpungan sa gitna ng sangkatauhan. Walang masusumpungan na maaaring makipagniig, na maaaring magtaglay ng ganitong palitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang sasabihin mong mayroon ang Diyos? Ang mga bagay na tinatalakay ng mga tao, na kanilang iniibig, na kanilang hinahangad at kinasasabikan ay may kinalamang lahat sa kasalanan, may mga tunguhing masama. Kapag kinakaharap lahat ito ng Diyos, hindi ba ito parang isang kutsilyo sa Kanyang puso? Sa harap ng ganitong mga bagay, maaari ba Siyang magtaglay ng kaligayahan sa Kanyang puso? Makahahanap ba Siya nang kaaliwan? Yaong mga nabubuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging rebelyoso at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang mayroong pakialam dito? Sino ang makikinig? At sino ang magpapahalaga nito? Hindi kailanman maiintindihan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na tiyak hindi magagawang pahalagahan ng mga tao, ang pagiging malamig at manhid ng sangkatauhan ang nagiging sanhi ng lalong pagsidhi ng pagdurusa ng Diyos.
Mayroong ilang mga tao na madalas nakikisimpatiya sa paghihirap ni Kristo sapagkat mayroong isang talata sa Biblia na nagsasabing: “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala sila na ito ang pinakamalaking pagdurusa na binata ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na binata ni Jesus. Ngayon, sa pagtingin rito mula sa pananaw ng mga katotohanan, gayon nga ba? Hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagreklamo laban sa kawalang-katarungan para sa mga paghihirap ng katawang-tao, at hindi Niya kailanman pinagbayad ang mga tao o ginantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunman, nang Kanyang masaksihan ang lahat ng bagay sa sangkatauhan, ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, nang Kanyang masaksihan na ang sangkatauhan ay nasa mahigpit na paghawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatakas, na ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala ay hindi alam kung ano ang katotohanan—hindi Niya kayang tiisin ang lahat ng mga kasalanang ito. Ang Kanyang pagkamuhi sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, ngunit kailangan Niyang batahin ang lahat ng ito. Ito ang pinakamatinding pagdurusa ng Diyos. Hindi magawa ng Diyos na ganap na ipahayag maging ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga damdamin sa kalipunan ng Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na makauunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtangka man lang na intindihin o aliwin ang Kanyang puso—binabata ng Kanyang puso ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Ang Diyos ay hindi humihiling sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay, ngunit dahil sa diwa ng Diyos, tiyak na hindi Niya pahihintulutan ang kasamaan ng sangkatauhan, katiwalian, at kasalanan, ngunit makararamdam ng ibayong pagkamuhi at pagkasuklam, na magbibigay-daan sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao na nagbabata ng hindi matapus-tapos na pagdurusa. Nakikita ba ninyo ang lahat ng ito? Malamang kaysa hindi, walang nakakakita sa inyo nito, sapagkat walang sinuman sa inyo ang tunay na nakakaunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon unti-unti ninyong mararanasan ito sa inyong mga sarili.